Announcements

Maynila, Oktubre 22, 2026 — Muling nagbigay-karangalan sa Mabalacat City College (MCC) ang apat na mag-aaral ng Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon Medyor sa Filipino (BSEd Filipino) matapos makamit ang ikalawang gantimpala sa Pambansang Online na Kumperensiya sa Wika, Panitikan, Kultura, at Pelikula.
Sina Jengky G. Balaba, Argel B. Rivera, Mary Grace D. Tolentino, at Jhomerson Dan O. Verzosa ay dumalo sa ika-28 Gawad PASADO na ginanap sa Abbot Lopez Hall ng San Beda University–Manila kahapon, Oktubre 22, 2026. Ang gawad ay pinangunahan ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO), isang samahang nagtataguyod ng pagpapahalaga at pagsusuri sa pelikulang Pilipino, lalo na sa larangan ng edukasyon at kulturang Pilipino.
Ang kanilang pananaliksik na pinamagatang “Anek Itech: Etimolohikal na Pag-aaral sa mga Salitang Gay Lingo ng Generation Z Bilang Batayan sa Pagbuo ng Beksyonaryo” ay kinilala sa nasabing kumperensiya na isinagawa noong Oktubre 2–3, 2026. Sa paggabay ng kanilang tagapayo na si Dr. Alma Tang-Bautista, sinuri sa pag-aaral ang pinagmulan at pag-unlad ng mga salitang gay lingo na ginagamit ng Generation Z bilang batayan sa pagbuo ng isang beksyonaryo.
Naging bahagi rin ng kanilang tagumpay ang suporta nina Dr. Marilyn S. Arcilla, Vice President for Academic Affairs, at Dr. Maureen P. Santos, Dekana ng Institute of Teacher Education.
Higit sa pagkilalang natanggap, ipinamalas ng tagumpay ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng pananaliksik sa pag-unawa sa patuloy na pagbabago ng wika at sa pagpapahalaga sa mga anyo ng pagpapahayag ng kabataang Pilipino.
Sa kanilang tagumpay, patuloy na pinatutunayan ng mga mag-aaral ng MCC ang kanilang kakayahang mag-ambag sa pagpapayabong ng wikang Filipino at sa pagpapalawak ng kaalamang pangwika sa pamamagitan ng pananaliksik.
Also posted on Facebook
https://www.facebook.com/share/p/1EDTPV4t3T/
Republished from an official Mabalacat City College issuance. The student council has no authority over its contents.